Sabado, Pebrero 28 2009

Baliw

11 na pala. Ayos na rin ang sampung oras kong tulog at ngayon ay naka-harap na naman ako sa ibang mundong nagsisilbing lagusan ko sa isang lugar kung saan ang pagkain ng mga tao ay bahaghari at matalik nilang kaibigan ang mga kabayo.

Baliw ang isang manunulat dahil hindi naman niya talaga alam ang kaniyang ginagawa. Uupo siya, kaharap ng papel at hawak ang pinag-iinit na panulat. Magsusulat habang nagpapahinga ang kaniyang ulo sa kaliwang palad, iiling at magbubuntong-hininga, pipilasin ang papel, lulukutin at itatapon ito sa bundok ng mga papel sa kaniyang gilid. Hindi pa kontento rito ang isang manunulat. Kukuha siya ng kape, lulunurin ang sarili rito katulad din ng paglulunod niya sa ilalim ng mga salitang malalim ang kahulugan, mararamdaman na nasa-ibang lugar kahit pa wala naman talagang nagbago kung hindi siya at muling magsusulat habang pawis na ang mga pagod na kamay at tila luluwa na ang mga kaawa-awang mata. Baliw ang manunulat dahil natutuwa siya, sumasaya, kapag nakakatapos siya ng isang likhang tunay na galing sa kaniyang kaluluwa. Wala naman siyang napapala rito kung hindi ang kapayapaan sa sarili pero maya-maya lamang ay magsusulat na naman siya. Tsk! Tila walang kapaguran. Walang kadala-dala.

Baliw ang manunulat dahil dinadala niya ang kaniyang mga manbabasa sa isang lugar kung saan ang mga pangarap ng tao ay kay daling abutin at malayo sa katotohanan ng pait ng buhay, kung saan nagtatagpo ang mga bagay-bagay ngunit naghihiwalay din. Baliw siya dahil malaya ang kaniyang pagsusulat samantalang habang binibigyan niya ng hugis ang bawat salita at mukha ang mga pangungusap ay nakakulong siya sa bartolina. Baliw ang manunulat dahil na-eenganyo siya kapag mayroon siyang hindi maintindihan sa mga bagay. Binabasa ang likha ng iba, iinitindihin, susuriin, pakikiramdaman at saka masasaktan.

Baliw ang manunulat dahil mayroon siyang inspirasyon na pinaglalaanan ng lahat—mga kasawian sa buhay, mga tagumpay na pinagpawisan niya ng husto, mga gawang benta sa lahat at mga gawang hindi narating ang rurok ng kasikatan kaya tuloy hayun at nakatambak lamang at naaalikabukan. Baliw na baliw sa pag-ibig. Baliw na walang ibang nasa-isip kung hindi paano mapapasaya ang kaniyang minamahal. Wala nang gamot ang makapagpapaayos sa kaniyang baluktot na isipan at tingnan mo ang nagagawa ng pagka-baliw na ito-- mga tulang may tugma at puno ng pagmamahal, maiikling kwentong hinugot sa kanilang mga tadyang at sulat na sa simula’y makapagbibigay sa’yo ng luha subalit sa kalaunan ay iyon ding gagayahin at kokopyahin para naman sagutin ka na ng iyong nililigawan.

Oo, baliw ang manunulat subalit mas baliw ang mambabasang nagbibigay-kahulugan sa bawat patay na salitang nananahan lamang sa mga pahina ng aklat na produkto ng karamdaman. Baliw ang mambabasang hindi makatulog dahil sa nabasa at habang buhay na tatandaan ang isang matalinong likha. Baliw ang mambabasang maaakit sa bisyong pagsusulat, inaakalang may gamot kapag nalulong dito at magtitiyaga upang maging kahanay niya ang mga idolo niyang dahilan kung bakit siya mismo ngayon ay gumagawa ng sarili niyang pangalan.

Biyernes, Pebrero 20 2009

Ako si Rhaingel

Ako si Rhaingel. Oo, hindi nga iyan ang tunay kong pangalan pero sa blogpsot, ayos na iyan. Kung interisado kayo sa tunay kong pangalan, hindi ko naman iyon ipagdadamot. Hindi naman ako yayaman doon eh. Sabihin ninyo lang at sasbihin ko rin.

Muli, ako si Rhaingel, labimpitong gulang, masyado pang bata para mamroblema ng tungkol sa buhay, sakripisyo at kamatayan. Wala namang iba sa akin. Magulo akong kausap at mababaw ang luha pati na ang mga tawa. Madaling magbago ang aking mga desisyon. Ang mga naiisip ko ay tulad din ng mga naiisip ng ibang tao: kung may buhok ba sa kili-kili ang miss na parang nahihiyang itaas ang kamay niya sa jeep eh hindi na nga niya malabanan ang inertia o kaya naman ay buntis ba o hindi ang kapitbahay mong maraming lalake at parang tumataba ngayon. Hmmm… Nabuhay ako sa isang ordinaryong sitwasyon: tubong Malolos at naranasan din na maglaro sa labas kasama ang uhuging anak ni Toyang na puno daw ng mahaharot na bulate ang tiyan. Naranasan ko na ring tumakbo noong may habulan, madapa, masugatan ang tuhod, matakot dahil akala ko ay nakakamatay iyon, pagtawanan ng mga kaibigan at saka bumangon at sumigaw ng “Nyenye nyo! Hindi naman masakit!” habang kagat ang labi para malabanan ang pagpatak ng mga luha at huwag magsumbong sa aking tatay. Minsan na rin akong nahuli ng aking nanay nung nasa kwarto ako at seryoso sa pag-abot ng kulangot na nasa dulo na ng aking sinus. Tsk! Nakakahiya talaga. Dumating din ako sa punto na hinihiram ko ang kamay ng aking kaklase dahil hindi na kasya ang 9 + 5 sa dalawa kong kamay. Ngayon alam ko na na 14 pala ang sagot doon at imbis na kamay ng aking kaklase ay pwedeng paa ko na lang pala ang aking gamitin. Habang lumalaki ako, naranasan ko ring magkaroon ng crush na isang dosena at tumili kapag kinikiliti at maglakad sa harap ng maraming tao ng may tagos ang palda. Kumain na rin ako ng tukneneng diyan sa may kanto at fishball sa may palengke, pati na rin ang malinamnam na isaw na nakatuhog sa istik. Sabi naman sa inyo, ordinaryo lang ang buhay ko, tipong makikita mo sa araw-araw na pakikisalamuha sa iba.

Walang monumentong itinayo para sa akin at wala rin ang aking pangalan sa anumang History books. Pagkatapos ng ilang taon at nalagas na ang mga dahon ng kalachuching humahalimuyak sa harap ng bahay namin tuwing umaga, makakalimutan na rin naman ang aking pangalan. Subalit sa isang punto, naranasan kong magtagumpay sa ilang aspeto ng aking buhay. Naranasan kong magmahal ng isang tao nang buo kong puso at kaluluwa at walang salita ang nakakaalam. Naranasan kong magmahal at matakot na baka mawala siya o maagaw ng iba. Naranasan kong matutunan mula sa kaniya ang mga katotohanan sa buhay na ilang taon ko ring hinananap sa makakapal na libro subalit hindi ako nagtagumpay. Naranasan kong mahalin ang taong iyon sa aking bawat paghinga at tuwing naiisip ko ang kaligayahang naidulot niya sa akin ay naluluha ako kahit ako’y masaya dahil alam kong nag-iisa lamang siya sa mundong ito at siya lamang ang mamahalin ko nang ganoon.

Para sa akin, sapat na iyon. Sa katunayan, higit pa iyon sa sapat. At kung tila ordinaryo man ang buhay na aking pinamunuan, ang kaligayahan ko naman sa buhay na ito ay hindi mapapantayan. Ako si Rhaingel. Ito ang aking blog. Ito ang aking buhay.

Mainit na ang Tubig, Puno na ang Salop

Masyadong matagal uminit ang tubig sa heating cup. Gutom na ako. Inubos ng araw na ito ang lahat ng aking lakas. Sa totoo lang, hindi naman talaga ang araw na ito ang may kasalanan kundi ang mga emosyon na bumagabag at bumabagabag sa akin ngayon. Hay, nakakapagpabagabag (ulitin nang mabilis at sampung beses) talaga!

Gumising ako kanina ng alas singko ng umaga. Nagdasal at nagpasalamat para sa isang araw na akala ko ay magiging maganda at walang anu mang problema. Bumangon ako at kinuha ang aking mga damit para maligo. Nagpatuyo ng buhok habang inaayos ang mga gamit na aking dadalhin. Sanay na ako sa ganitong buhay: mas maaga pa kung sumikat kaysa sa araw, aalis ng bahay ng walang laman ang tiyan, maglalakad, magmamadali, mananalangin na sana ay walang trapik. Kanina ay may nakasalubong akong magtataho at bumili ako ng isang baso ng kaniyang tinda. Maaga akong natapos mag-ayos ng aking sarili kanina, maagang natuyo ang mahaba kong buhok kaya nung umalis ako patugo sa unibersidad, sinubukan kong damhin ang hangin at pati na rin ang polusyon sa Quezon City. Ayos naman sana ang lahat. Kahit papaano, ang pag-aaral ang nagiging dahilan ko upang makalimutan ang mga bagay na nagpapabigat sa aking kalooban.

Nagsimula nang dumaldal este magturo ang propesor sa Math. Hay! Numero na naman. Oo nga pala, sa ayaw at sa gusto ko, parte na ito ng buhay ko, parang tattoo ng mga tao sa belibid, parang butas sa dila ng mga adik na habambuhay nang nakatatak sa aking pagkatao. Sinubukan ko naman makinig. Alam ko kasi na iyon ang tamang gawin. Kahit naman medyo sira ang ulo ko at maraming kalokohan sa buhay, may mga pagkakataon na naaalala ko ang mga dapat kong gawin, ‘yung mga responsibilidad ko. ‘yun nga lang may nakapagpaalala sa akin noong nangyari kahapon… pati noong isang linggo… noong isang buwan… noong nakaraang sem… noong hindi ko pa siya kilala at sila pang dalawa. Noong maisip ko iyon, alam ko na… hindi ganoon kadali para maituwid ko ang araw ko ngayon. Pinilit kong ngumiti at huwag magpatalo sa dikta ng emosyon. Pero sadyang may mga bagay na lilitaw at lilitaw din kahit pilitin ko pa ang lahat na ayos lang ako. Minsan kasi, ayaw makisama ng aking mga mata, pilit nagpapakita ng bakas ng kalungkutan o pagkaawa sa sarili.

Ayun na. Nagsimula na. Pakiramdam ko ay para akong tahimik na kalawakan na ginagambala ng mga paputok. Kahit anong kislap ng aking mga bituin, maingay pa rin. Sana ay hindi na lang ganoon kalawak ang imahinasyon na mayroon ako. Hindi sana ako pinaparusahan ng sarili ko at ng alter ego nito.

Mainit na ang tubig. Para ito sa instant noodles na tititigan ko lamang ng tatlong minuto ay maaari nang kainin. Ito na ang para sa aking hapunan. Alam ko naman na masama ito sa katawan. Processed food daw kasi sabi nung isa kong propesor pero masyado na akong pagod para magluto pa ng masustansyang pagkain na hindi rin naman magagamot ang aking suliranin. Sa totoo lang, pagod na rin ako para magsulat pa at gumawa ng isang blog post na hindi ko makita ang kabuluhan. Pakiramdam ko lang kasi ngayon, tuluyan na akong malulunod sa mga naiisip ko kung hindi ko hahayaan magsulat ang sarili ko. Pakiramdam ko kasi, isa akong lobo at istretch na istretch na at kapag konting ihip pa ay puputok na at ang pagsusulat ay para bang matulis na karayom na humahalik sa aking balat at unti-unti ay hinahayaang makatakas ang bahagyang hangin para naman mapigil ang aking pagsabog.

Linggo, Pebrero 15 2009

Bahala Na Muna

Hindi ko alam kung bakit ba nagsusulat pa ako gayong dapat ay nilulunod ko na lamang ang aking sarili sa mga numero. May exam, alam ko pero hindi ko lang talaga maiwasan. Ilang beses ko na rin naming naramdaman ang ganito: nag-aaway ang aking utak at kamay. Makulit kasi ang aking kamay, gustong hawakan ang lapis at punuin ang papel ng mga utot na opinyon habang ang kahit kailang kong kill-joy na utak ay nagpapaalala na wala pa ako sa kalagitnaan ng dapat kong aralin sa Math at iyon dapat ang inaasikaso ko ngayon.

Kahit anong gawin ko, hindi ko pa rin magawang mahalin nang buo ang mga numero, kahit sabihin ko pa sa sarili ko na pagka-graduate ko ay may magandang naghihintay sa akin kung itutuloy ko lamang ito at pagtitiyagaan ang pagsosolve araw-araw. Alam ko na kahit gaano pa ka-raming Math problems ang makuha ko ang sagot, hindi pa rin nito matutumbasan ang isang papel na naglalaman ng eksakto kong damdamin, mga salita, mga letrang puno ng pagmamahal at galit. Madalas ko rin niloloko ang sarili ko. Sinasabi ko rito na kontento na ako sa pagsusulat na mayroon ako ngayon: ‘yung tipong kapag wala lang magawa at kapag may naiisip lang. Tama sila. Kapag nga hindi mo sinunod ang dikta ng puso, habang buhay na para bang may kulang ko sa’yo at bumabagabag kahit pa parang buo naman at maunlad ang ibang aspeto ng buhay mo. Hay. Bahala na. Siguro ayos na rin ito, nagsusulat upang takasan ang mga numero at kung ano-anong symbols na hindi ko naman talaga maintindihan ang kinalaman sa buhay ko. Siguro kailangan ko lang talagang maipasa ito tapos bahala na.

Nakakatawa dahil mula nung bata ako ay marami na akong pinangarap para sa sarili ko. Hindi nga ako makapili sa dami nung mga ‘yun eh. Gusto kong maging pharmacists, ‘yung naghahalo ng mga kulay berde sa kulay lila na tubig tapos biglang sasabog kapag itinapat mo sa apoy. Gusto ko rin noon na maging doktor, ‘yung naghihiwa ng tiyan, tumutulong at gumagamot sa mga mahihirap at niloloko ‘yung mga bata na hindi naman daw masakit ang ineksyon at parang kagat lang daw ng langgam. Utang na loob! Lokohin nila ang mga lelang nila. Gusto ko rin noon na maging journalist pero hindi ko alam kung ano ba ang ginagawa noon. Maganda lang kasing pakinggan. Pati ‘yung accountant na sabi ng tatay ko ay malaki daw ang sweldo. Kung ganoon pala, bakit hindi siya ang nag-aral noon? Gusto ko rin noon na maging labandera para palaging malinis ‘yung kamay ko. Oh di ba? Ilan lang iyan sa mga minsan kong pinangarap at ngayong college na nga ako at parang huling hakbang na para makamit ko ‘yung gusto kong maging, sinasabi ko ang “bahala na”. Hindi naman bahala na si batman. Ang ibig ko lang naman sabihin ay bahala na kung hanggang kailan ako masaya sa kurso ko. Bahala na kung hanggang kailan ko ba kaya ang magtiis na araw-araw maubos ang aking dugo sa pakikinig lamang ng “f of x” at “antiderivative”. Ngayon kasi, pakiramdam ko, naligaw lang ako roon sa gusaling madilim na tinatawag nilang Math department at ngayong hinahanap ko na ang daan pabalik, dumating si Gambi at sinaputan ako para hindi na ako maka-alis pa. Kawawang mga paa! Nakadikit na sa lupa. Hindi na ako makakagala. Hay, buhay. Hindi ko kasi alam ang pinapasukan ko eh. Pero wala na akong panahong makinig sa sermon dahil sapat na ang panunumbat sa akin ng sarili ko na “Gusto ko talagang magsulat. Bakit BS Math ang kinuha mong course?” Huwag nyo na rin akong tanungin noon dahil kung alam ko ang sagot siguro hindi ako tumatakas ngayon sa mga numero.

Sige, magsosolve pa ako.

Kilapsaw

Aaminin ko, hindi pa ako ganoon ka kumbinsido na mapapanindigan ko ngang payabungin ang bagong blog na ito. Naaalala ko kasi noong una akong nagsimula doon sa English kong blog. Ayoko na sanang ipagpatuloy pero may mga bagay na unti-unting nagkakaroon ng hugis, nagkakaroon ng mukha.

Pakiramdam ko lang kasi, kung magsusulat man ako, hindi ba dapat na mga Filipino rin ang makakabasa nito? Madalas kong nahuhuli ang aking sarili na nasa-harap ng kompyuter at sinusubukang Inglesin ang mga bagay at kaisipan na dumadalaw sa akin sa anyo ng Filipino. Pakiramdam ko, marami na akong nasayang na kilapsaw sapagkat hinayaan ko lang silang lumipad at dalhin ng hangin patugo sa kawalan. Ngayon, hindi ko na uulitin ang mga iyon. Sasahurin ko na lahat ng naiisip ko pati na ‘yung mga wala naman talagang kabuluhan sa buhay ng iba at wala rin naming maitutulong sa pag-unlad ng lubog na sa putik na Pilipinas. Pero hindi naman iyan ang laman ng una kong posts kaya saka na iyan.

Takot akong magsimula ulit sa wala. Para bang nagbuno ka ng maraming taon sa elementarya kung saan kilala mo na ang lahat ng taga-linis na eskwelahan ninyo at bilang mo na rin ang dami ng mga tiles na lalakaran ninyo. Kabisado mo na kung magkano ba ang kwek-kwek sa inyong canteen at kung magkano ang dagdag kung napasobra ng harina ang pagkakaluto rito. Pagkatapos mong maging stable sa kung nasaan ka, biglang magtatapos ka na at heto naman ang hayskul. Wala kang kaibigan. Walang kakilala. Hindi mo alam kung saan ba ang silid-aralan mo at kung sino ba ang dapat mong tawagin kapag natapon mo ang iyong choco drink sa puting uniporme ng kaklase mo. Parang ganoon ‘yung naramdaman ko. Medyo maayos na kasi ‘yung English na blog ko eh. Medyo marami nang mga posts. Madami nang followers. Madami nang awards na natanggap. Madami na ring may alam noon tapos ako naman, gagawa ng panibago na kung saan, walang ibang nakakaalam kung hindi ako. Ayos na rin siguro. Sa totoo lang kasi, kailangan ko lang ng mapagkukwentuhan bukod sa mga mapagkakatiwalaan kong mga kaibigan. Sa totoo lang, ayaw ko lang din na mapabayaan ko ang Filipino language na una ko naman natutunan. Pakiramdam ko rin kasi, narito ‘yung totoo kong sarili. Hindi tulad sa English na parang nagiging trying hard ako masyado para magandang pakinggan lahat ng naiisip ko. Kapag Filipino, nagugulat na lang ako at mahaba na pala ‘yung nasusulat ko. Parang nagkukwento lang kasi, walang masyadong effort at wala rin masyadong pangamba na baka mali na ayon sa bararila o mali ang pagkakabaybay.

Hindi pa rin ako ganoon ka-sigurado kung mabibigyan ko ba ng sapat na atensyon ang bagong blog na ito. Nag-aaral din kasi ako at walang internet sa dormitoryo. Sana naman oo. Kung sa bagay, kung gusto, may paraan at kung ayaw, may dahilan. Sana naman ay magising ako isang araw at mas maunlad na ang blog na ito kaysa doon sa English ko. O kung hindi man mas maunlad eh kasing-unlad na lang din noon.

Kilapsaw. Ang ibig sabihin ay kaisipan o opinyon. Wala namang ibang laman ang espasyo na ito sa internet kung hindi puro kilapsaw lang, mga tagas sa utak, mga tagong damdamin, mga pagkawala ng kaluluwa mula sa seldang katawan. Kilapsaw.